Thursday, April 3, 2008

Jennylyn Mercado praying for a baby girl

Nakakuwentuhan namin si Jennylyn Mercado sa last taping day ng GMA-7 suspense-thriller series na La Vendetta, na ginanap sa Mega Dike na located sa Gasak, Pampanga.

Tatlong eksena ang kinunan kay Jennylyn kasama ang ibang pang members ng cast ng naturang series na kinabibilangan nila Sunshine Dizon, Jean Garcia, Paolo Contis, Polo Ravales at iba pa. Sa pinakahuling week ng La Vendetta ay malalaman na kung sino ang pumatay sa character ni Jennylyn na si Almira at masasagot na rin ang lahat ng katanungan na matagal nang inaabangan ng mga manonood nito.

Napansin namin na may hawak si Jennylyn na malaking manggang hilaw sa set. Hindi nga lang daw niya ito nakain dahil walang asin sa set. Nakaalis na raw kasi ang catering nang maisipan niyang kumain ng manggang hilaw.

“Kung anu-ano na ang gusto kong kainin. Minsan gusto ko matamis. Minsan gusto ko ng maasim. Paiba-iba kaya ang hirap! Mahirap pala ang buntis!" sabay tawa niya.

Marami na nga raw nararamdamang pagbabago si Jennylyn sa kanyang katawan sa first trimester ng pagbubuntis niya. Maya’t maya raw ay parang umiikot ang sikmura niya kaya nakakaramdam siya ng pagsusuka.

“Bigla na lang kasi nag-iiba ang feeling ko. Kaya para akong laging nasusuka. Mabuti na lang kanina, natapos na yung kinunan na scene kasi sumama ulit pakiramdam ko. Pero mabilis naman ako maka-recover. Uupo lang ako at okey na," ang kuwento pa ni Jennylyn.

Hindi raw gusto ni Jennylyn ang amoy ng mga sabon na panlinis at panlaba. Nahihilo raw siya kapag nakakaamoy siya ng mga gano’n.

Aniya, “Mas naging sensitive ang pang-amoy ko talaga. Kapag nakaamoy ako ng mga sabong panlaba or mga panlinis ng sahig at banyo, bumabaliktad ang sikmura ko. Pero yung mga pabango, okey naman. Huwag lang yung may mga chemicals na panlinis."

Nang usisain siya tungkol sa gusto niyang maging anak, sana babae raw dahil aayusan niya ang baby na parang manika. Pero halos lahat daw ng nakakakita sa kanya ay sinasabi na lalake raw ang ipinagbubuntis niya.

“As in lahat nang mga bumati sa akin na mga mommy na sinasabi na boy daw ang magiging baby ko," ngiti ni Jen. “Nagtataka nga ako, paano nila nalalaman? Sinasabi nila na nag-iba raw ang hitsura ko. Kitang-kita raw nila na lalake ang magiging anak ko.

“Si Mama [Lydia Mercado] nga sinabi sa akin na ang panget-panget ko na raw. Siguro raw lalake ang magiging anak ko kasi parang umiitim ako. Naku, sayang naman ang pag-endorse ko ng MET kung iitim ako!" malakas na tawa pa ni Jennylyn.

Pinaiiral na naman ni Jennylyn ang kanyang professionalism sa trabaho kahit na maselan ang kalagayan niya. Ayaw naman daw niyang may mga maapektuhan dahil lang sa buntis siya.

“Ayoko naman na may masabi sila sa trabaho ko. Ayokong maging problema ako. Ito namang La Vendetta, commitment ko naman ito sa GMA-7. Nagpapasalamat nga ako sa GMA-7 kasi nagparamdam sila ng suporta sa akin at kay Patrick [Garcia]. Mabuti na lang at nakunan na ang mga last scenes ko kaya mapapanood pa nila ako sa huling week ng La Vendetta," ang sabi pa ng first female winner ng Starstruck.

Magkakaroon din si Jennylyn ng anniversary/pre-Valentine show na magaganap sa Zirkoh Timog Avenue titled Thanks To You on February 2. Isang special show ito for Jennylyn dahil baka ito na raw ang huling pagkakataon na magla-live show siya dahil ang pagbubuntis na ang haharapin niya.

Ayon kay Jennylyn, “Noong December 2007 pa kasi naplano ang show na ito at nagkataon nga na may magandang nangyari sa akin sa pagpasok ng 2008. Kaya kasama iyon sa ipagpapasalamat ko sa ika-5th anniversary ko sa showbiz. Manood sila kasi baka ito na ang last time na mapanood nila ako sa stage na kumakanta."

May ilang special guests si Jennylyn sa kanyang show pero mari-reveal lang daw iyon sa mismong gabi ng show niya sa Zirkoh. Sabay na rin ito ng promo niya para sa kanyang bagong album na produced ng GMA Records. For tickets, tawag lang sa 0918-9375216 or 486-6179. - Philippine Entertainment Portal

PEP: Jennylyn Mercado apologizes for snub

Humihingi ng pang-unawa ang kampo ni Jennylyn Mercado sa hindi niya pagsipot sa presscon para sa pelikula nila ni Jacky Woo na Half Blood Samurai kagabi, January 26. Dumaranas daw kasi ng halu-halong emosyon ngayon si Jennylyn epekto ng kanyang pagbubuntis.

Nasa stage daw kasi ngayon ng pagbubuntis si Jennylyn kung saan sobra siyang emosyonal. Idagdag pa ang samu't saring pag-aalala ng young actress sa maraming personal na problema niya.

Kabilang na rito ang usaping pinansiyal at walang katiyakan na relasyon niya sa ama ng kanyang ipinagbubuntis na si Patrick Garcia, since hindi pa nga sila nakakasal.

Hindi naman minasama ng leading man ni Jennylyn na si Jacky ang hindi pagsipot ng young actress sa presscon ng pelikula nila.

Sobrang naunawaan naman daw ni Jacky ang kalagayan ni Jennylyn kaya wala silang plano na idemanda ang young actress kahit na nga may kontrata na kailangan siputin ni Jennylyn ang lahat ng presscons ng Half Blood Samurai.

In the first place, plano naman talaga ni Jennylyn na um-attend sa presscon. Pero nagkaroon lang daw ng konting tampuhan sina Jennylyn at Patrick.

Nadadalas daw kasi ang away-bati ngayon ng dalawa, na normal lamang sa dalawang taong nagsisimula pa lang magkaroon ng isang bagong pamilya.

Ayon naman sa manager ni Jennylyn na si Becky Aguila, "What Jen needs right now is compassion and understanding. Mahirap ang kalagayan niya. Being pregnant at the age of 20 is no joke. She's longing for love and care. It's normal to be emotional during and after pregnancy. Patrick should take care of Jen. He should be patient. Both should be responsible would be parents for the sake of their baby." - Philippine Entertainment Portal